MENU

Change for Good!

Gigising ng maaga para magluto ng agahan at maglilinis ng bakuran. Aasikasuhin ang isusuot ni mister atn ang damit ng mga anak para sa pagpasok sa eskwela. Sabay sasabihin ni mister, “Sweetheart aalis na ako at ikaw na ang bahala sa mga bata sa pagpasok nila sa eskwela. Pakilaba na rin ang uniform ko dahil may inspection kami bukas. Mag-grocery ka na rin dahil ubos na ang pagkain natin.” Pagkahatid ni nanay ng mga bata sa eskwela, diretso naman siya sa palengke para bumili ng pagkain. Pagdating ng bahay ay ihahanda na ang pagkain sa hapunan. Habang nagluluto ay naglilinis pa ng bahay. Pagdating ng mga bata galing sa eskwela magpapaturo pa sa kanilang assignment. Pagkatapos kumain ng hapunan ay magliligpit pa ng pinagkainan at maghahanda ng menu para sa kakainin kinabukasan. Bago pa matulog ay kakalabitin pa ni mister. Hay! Araw-araw ito ang ginagawa ni nanay. Halos walang tigil sa paggawa mula umaga hanggang gabi. Ang nakakalungkot sa kabila ng kanilang sakripisyo ay may reklamo pang maririnig. Bakit ng aba ang daming Gawain ni nanay, ng mga kababaihan? Ito na kasi ang nakagisnan natin. Bahagi ng ating kultura na ang mga babae ay siyang gumagawa ng gawing bahay. Sila lamang ang nakatoka sa bahay at ang iba ay hindi na pinag-aral ng kanilang magulang sa kadahilanang sila ay sa bahay lamang magta-trabaho at ang mga lalaki lamang ang dapat mag-aral dahil siya ang magta-trabaho para sa pangangailangan ng pamilya. Kaya naman marami sa mga kababaihan ang mahuhusay at magagaling na hindi nabigyan nang pagkakataon na linangin ang kanilang karunungan at lumahok sa mga gawain na itinalaga lamang sa mga kalalakihan. Ngunit, sa paglipas ng panahon ay unti-unting nagbago ang kaisipan patungkol sa mga kababaihan. Taong 1915 ang bansang Denmark ay nagbigay ng karapatan sa mga kababaihan ng karapatan sa pagboto. Bago matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig kinilala ng mga sumusunod na bansa ang karapatan ng kababaihan sa pagboto: Canada, Russia, Germany at Poland. Sa paglipas ng panahon, malayo na ang narrating ng mga kababaihan sa larangan ng pulitika, pagsulong at pagpapa-unlad ng ekonomiya ng mga bansa. Ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa Asya na nagkaroon ng babaeng president sa katauhan ni Pangulong Corazon C. Aquino. History maker pala ang Pilipinas! Ang Republic Act 9710 “An Act Providing for the Magna Carta for Women.” Ito ay naglalayon sa pagkilala sa mga kababaihan bilang mamamayan ng Pilipinas na may malaking kontribusyon sa economic, political at socio-cultural development. Sila ay may naiambag upang patatagin ang atin bansa at pagtitiyak ng patas na karapatan at oportunidad sa mga kalalakihan at kababaihan. Dati ang mga kalalakihan lamang ang pinahihintulutan na maging sundalo at pulis. Ngayon, mayroon na tayong babaeng heneral BGEN RAMONA GO (PA) at PMGEN LINA SARMIENTO (PNP). Si Captain Monessa Catuncan ay kauna-unahang Filipina na nakapag-palipad ng F-16 Fighter para sa Elite US Air Force. Kahanga-hanga at may mga kababaihan na nag top notcher sa PMA, PNPA at ibang institusyon. Sa larangan ng pulitika, siyensiya, agham, teknolohiya, musika , sining at literature ay kinikilala natin ang kanilang kontribusyon. Sa kanilang husay at galing ay nagbigay sila ng inspirasyon sa atin at sa susunod na henerasyon. Saludo kami sa inyo!

A TIME TO REFLECT

 Ayon sa “Banal na Kasulatan” sa Lumang Tipan Genesis 1:26-28, “Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Sila'y kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae, at sila'y pinagpala niya. Sinabi niya, “Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig, at kayo ang mamahala nito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa.” Nilikha ng Diyos ang lalaki at katuwang ang babae sa sa pamamahala sa lahat ng nilikha ng Diyos sa mundo. Ayon kay Dr. Myles Munroe: “Women and men were created equal but were also created different. This is part of their unique designs. Yet different does not mean inferior or superior.” Mga kababaihan, mayroon kayong misyon sa mundong ito na kayo lamang ang makakagawa. Ang magdala ng sanggol sa inyong sinapupunan sa loob ng siyam (9) na buwan hanggang sa mailuwal ito. Ang pag-aalaga ng isang ina, pagmamalasakit sa kanyang pamilya ay nakakapagpalakas ng loob lalo na sa panahon ng matinding pagsubok at problema.

Salamat kay nanay dahil siya ay:

  1. Una naging guro

Habang si tatay ay nasa trabaho, siya ang unang nag-alalay sa atin upang matuto tayong makalakad. Ang unang hakbang natin ay nakita ni nanay na nagbigay sa kanya ng saya. Bago matulog mayroon siyang kuwento na may moral lesson. Nagturo kung paano magbasa, magtupi ng pinaghigaan at ng gawaing-bahay.

  1. Number one fan natin

Kahit nga pautal-utal at hindi pa diretso ang dila sa pagsasalita. Hindi maayos ang pagkanta noong bata pa. Sasabihin ni nanay, “Ang galing namang kumanta ng anak ko.” Ipinagmamalaki na magaling sumayaw kahit na kamay at ulo lang ang gumagalaw sa pagsayaw.

  1. Laging nakikinig sa atin

 Kahit pagod na si nanay sa buong maghapon. Hindi siya napapagod na makinig sa kanyang mga anak. Kahit paulit-ulit tayong nagtatanong ay sumasagot siya ng maayos na nakangiti. Lalo na kapag tayo ay may problema.

  1. Hindi nagsasawa sa pagbibigay payo

Hangad niya ang tagumpay at kasiyahan ng kanyang mga anak. Kapag may problema asahan natin na nariyan siya upang tulungan tayo at magbigay ng payo.

  1. Mabuting halimbawa

Modelo at karapat-dapat na tularan. Salamat sa serbisyo at pagmamahal na inyong inilaan sa pamilya.

Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa katangian ni nanay. Ang mga kabutihang ginawa ni nanay ay mailalathala sa darating na panahon upang magbigay ng inspirasyon sa susunod na henerasyon. Ang makabagong kababaihan ay may malaking bahaging ginagampanan sa pag-unlad ng bansa. Mula sa tahanan ay nakipag-tagisan ng husay at galing upang kilalanin sa iba`t-ibang panig ng mundo.

Juana, sa panahon ng pandemya ay katuwang ka naming upang magtagumpay laban sa COVID-19. Salamat sa inyong serbisyo bilang “Frontliners” upang ingatan at gamutin an gating mamamayang may karamdaman.

Ang PNP Chaplain Service sa pangunguna ni PBGEN JASON D ORTIZO, D, CHS ay nakikiisa sa pagdiriwang ng “National Women`s Month 2021”